WOW

Monday, July 14, 2014

FYI: ANG BAHA, ANG FLASHFLOODS, MGA DAPAT GAWIN BAGO ANG PAGBAHA, MGA DAPAT GAWIN HABANG MAY BAHA, MGA DAPAT GAWIN PAGHUPA NG BAHA

BAHA
Nangyayari ang baha o floodings sa pagtaas ng tubig nang higit sa kapasidad ng ilog at ibang daluyan na ang resulta ay pag-apaw nito sa kapatagan. Ito ay dulot ng labis na pag-ulan, biglaang pagbuhos ng ulan o thunderstorm, pagka-ipon ng tubig dahil sa pagbabara ng mga daluyan ng tubig, at tuluy-tuloy na pag-ulan sa loob ng ilang araw.

FLASHFLOODS
Ang flashfloods ay rumaragasang agos ng tubig na may kasamang banlik, putik, bato, kahoy, at iba pa. Mabilis ang pagdating nito at mabilis din ang paghupa. Maaaring sanhi ito ng pagkakalbo ng bundok (kagaya ng dahilan kung bakit naging mapaminsala ang bagyong Sendong sa lalawigan ng Cagayan De Oro) at pagmimina (kagaya ng dahilan kung bakit naging mapaminsala ang bagyong Ondoy sa lalawigan ng Rizal).

MGA DAPAT GAWIN BAGO ANG PAGBAHA
• Alamin ang warning system at signal sa inyong barangay o munisipyo.
• Obserbahan ang sitwasyon ng lugar at makinig sa ulat ng panahon mula sa PAGASA.
• Pakinggan ang opisyal na warning signal na ibibigay ng kagawad na sumasakop sa sona.
• Ihanda ang mga pangunahing kakailanganin sa paglikas tulad ng damit, kumot, pagkain, maiinom na tubig, gamot, posporo, kandila, flashlight, radyong de-baterya, banig, at iba pa. Maiging nakabalot ang mga ito sa plastik.
• Itago o ilagay sa plastik ang mga mahahalagang dokumento at papeles.
• Mag-imbak na ng malinis na inuming tubig.
• Siguraduhin na magkakasama ang lahat ng miyembro ng pamilya at ihanda ang bawat isa sa anumang mangyayari.
• Alamin ang pinakamalapit na evacuation center at ang pinakamalapit na daan patungo rito.
• Maghintay sa warning signal na ibibigay ng kagawad tungkol sa paghahanda sa paglikas at sa mismong paglikas.
• Makipag-ugnayan sa nakatalagang kagawad kung nais nang lumikas patungo sa kamag-anak sa ibang barangay upang maitala.
• Ang Barangay Disaster Coordinating Council (BDCC) ay dapat maghanda ng kanilang gamit tulad ng malalaking flashlight, radyong de-baterya, warning device (megaphone, pito, kalembang), mga matitibay na lubid, first aid kit, sasakyang may sapat na gasolina para sa mabilis na paglikas at pakikipag-ugnayan, mga gamit pang-komunikasyon tulad ng cellphone, mga kagamitan tulad ng martilyo, liyabe, wrench, pala, at iba pa.
• Kung sa pagtantya ay magtutuluy-tuloy pa ang pagtaas ng tubig ay lumikas na bago pa masira ang mga daan at mga tulay.
• Ilipat na ang mga alagang hayop sa mataas na lugar.
• Bago lumikas, patayin muna ang kuryente at ikandadong mabuti ang bahay.

MGA DAPAT GAWIN HABANG MAY BAHA
• Iwasan ang mga lugar na may tubig-baha lalo na kung hindi nakasisiguro sa lalim nito. Huwag lumusong o tumawid sa mga tubig na hindi alam ang lalim, gaya ng ilog o sapa.
• Kung may dalang sasakyan at inabot ng baha, huwag piliting tawirin ang baha laluna kung malakas ang agos nito at hindi matantya ang lalim.
• Huwag payagang maglaro ang mga bata sa baha. Huwag languyan o tawirin ng bangka ang mga binahang ilog.
• Siguraduhing lutung-luto ang mga pagkain at iwasang marumihan ang mga tirang pagkain.
• Pakuluan ang tubig bago ito inumin.

MGA DAPAT GAWIN PAGHUPA NG BAHA
• Gumamit ng flashlight kapag muling papasukin ang binahang bahay.
• Maging alerto sa mga bagay na maaaring pagsimulan ng sunog.
• Tiyaking malinis at hindi narumihan ng tubig-baha ang mga pagkain at inumin. Lutuin muna ng mabuti o pakuluan ito bago kainin o inumin.
• Iulat sa mga kinauukulan ang mga nasirang pasilidad gaya ng poste at kawad ng kuryente, tubo ng tubig, at iba pa.
• Siguraduhing nasiyasat ng mabuti ng isang marunong sa kuryente ang switch ng kuryenteng nabasa at lahat ng gamit na de-kuryente bago gamiting muli ang mga ito.

No comments:

Post a Comment