WOW

Monday, March 10, 2014

DATING BRGY. KAGAWAD SA BAYAN NG MAGALLANES, PINATAY UMANO NG MGA NPA

March 11, 2014: Blanko parin sa ngayon ang mga otoridad sa motibo ng pagkakamatay ng isang dating kagawad sa bayan ng Magallanes.

Matatandaan na kahapon ng tanghali mga dakong alas onse y medya ng umaga ng di umanoy paulanan ng bala ng apat ng hindi pa nakikilalang mga kalalakihan na kargado ng m16 ARMALITE.

Kinilala ang biktima sa pangalang glenn lee habang ito ay sakay ng motorsiklo sa may brgy. Bulala, magallanes sorsogon, maswerte naman at hindi nadamay ang angkas nito na kinilala naman sa pangalang wilfredo mella.

Sa impormasyon, ang nasabing biktima ay matagal na umanong wanted ng mga makakaliwang grupo o ang tinatawag na news peoples ARMY o NPA na nag ooperate sa nasabing brgy dahilan sa ito umano ang pangunahing suspek sa isang karumal dumal na krimen sa nasabing bayan kung kaya possible umanong binalikan ito ng mga NPA.

Written by: Wow Patrol #1 Bonn Laureta Habal


Samantala, narito naman ang pahayg ng Celso Minguez Command

Celso Minguez Command

New People's Army-Sorsogon

Lunes, Marso 10, 2014

Parusang kamatayan, hatol ng hukumang bayan sa kriminal na si Glen Lee


Bagong Hukbong Bayan
Celso Minguez Command
Probinsya ng Sorsogon

Pahayag sa Midya
Marso 11, 2014

Parusang kamatayan, hatol ng hukumang bayan sa kriminal na si Glen Lee

Iginawad ng hukumang bayan ang parusang kamatayan kay Glen Lee. Si Glen Lee ay napatunayang maysala sa kasong panggagahasa at pagpatay sa pitong-taong gulang na batang babae na si Escarlet Soriano, taga-Sitio Telegrapo, Brgy. Aguada Sur, Magallanes, Sorsogon. Inatasan ng Demokratikong Gubyernong Bayan ang isang tim ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command upang ipatupad ang nasabing hatol nitong Marso 10, 2014.

Ang krimeng panggagahasa at pagpatay kay Escarlet Soriano ay naganap noong June 25, 2011 sa loob ng fishpond na pag-aari ni Glen Lee sa Brgy. Aguada Sur, Magallanes, Sorsogon. Kasabay niya sa pagsagawa ng krimen ang kanyang “alalay” na si Ronald Padro na una nang naparusahan ng kamatayan ng Demokratikong Gubyernong Bayan noong Hulyo 2011.  Batay sa mga datos na napatunayang totoo sa paglilitis sa hukumang bayan, inimbitahan ni Glen Lee ang biktima na sumama sa loob ng fishpond nang madaanan itong naliligo sa tabing-ilog malapit sa fishpond niya noong tanghali ng June 25, 2011, ang huling oras na nakitang buhay ang bata. Pagkatapos gahasain, pinalo sa ulo at nilunod ang bata bago itapon sa maliit na isla malapit sa fishpond niya upang palabasing nalunod lamang ang bata at pagtakpan ang kanyang krimen. 

Ang krimeng ito na lantad na pinag-usapan sa bayan ng Magallanes. Ngunit dahil sa lakas at impluwensiya ni Glen Lee ay hindi maresolba ng reaksyunaryong korte at sistema ng hustisya kahit na malinaw siyang  itinuturo ng mamamayan  bilang suspek at matimbang ang mga datos na nagpapatotoo sa kanyang krimen.  Ito ay isang asyendero at malaking negosyante na taga-Brgy. Banacod, Magallanes, Sorsogon. Liban pa sa kanyang krimen, kilalang drug addict si Glen Lee. Noon mismong ginawa niya ang krimen, lango ito sa shabu.

Ang pagpaparusa kay Glen Lee ay hustisya para sa inosenteng biktima nito na matagal nang hinahangad ng pamilya ng biktima at mamamayan sa bayan ng Magallanes. Nagpapakita lamang ito ng superyoridad ng rebolusyonaryong hustisya ng Demokratikong Gubyernong Bayan kumpara sa reaksyunaryong sistema ng hustisya na pabor sa may kapangyarihan, mayayaman at ginagamit laban sa karaniwang mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.

Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita

No comments:

Post a Comment